Paghahanap kay Miss B (Finding Miss B)

In 2009, I won my first Carlos Palanca Award for Literature (Full Length Play). In 2010, the University of the Philippines Press accepted the play for publication. In 2011, the play was finally published (my first book came out, yehey!).

Below is the preface/introduction of Miss Dulce Extranjera o ang Paghahanap kay Miss B (University of the Philippines Press, 2013):

Noong ako ay nasa kolehiyo, ang aking propesor sa Rizal Course ay may dalawang paninindigan hinggil sa pambansang bayani. Una, hindi siya sang-ayon sa pagkabayani ni Rizal. Mula sa diskurso ni Renato Constantino, paliwanag ng propesor na hindi sang-ayon si Rizal sa rebolusyon. Giit pa niya, hindi rin sang-ayon si Rizal sa kalayaan ng Pilipinas. Pangalawa, si Josephine Bracken ay isang puta. Gamit naman si Ambeth Ocampo, nasambit ng propesor na may mga tala na isang espiya ng Espanya si Bracken. Ang mga proposisyon ng aking propesor ay lehitimo. Lalo na nga mula sa mga “awtoridad” o “eksperto” ang kanyang mga sipi.

Final Cover of the Book

Nakilala ko ang kakaibang Rizal sa klase ni Propesor Floro C. Quibuyen noong ako ay estudyanteng masteral. Ibang Rizal ang bumati sa akin noong binabasa ko ang A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony and Philippine Nationalism ni Prop. Quibuyen. Sa unang kabanata pa lang, gulat na gulat ang aking kamalayan sa inihaing diskurso hinggil sa pagiging radikal ni Rizal. Muli kong binuksan si Constantino at ikinumpara ang mga argumento ni Quibuyen. Sa katunayan, ang aking interes kay Rizal ay naghatid sa akin upang bisitahin ang Pambansang Aklatan. Unti-unti, ako ay nabihag ng mga argumentong patungkol sa isang rebolusyonaryo at radikal na Jose Rizal.

Habang binabasa ko si Quibuyen, isang kabanata ang bumihag sa akin: ang kabanata hinggil kay Josephine Bracken. Ibang Josephine Bracken din ang ipinakilala sa akin ng aklat. Ang aking sanggunian hinggil sa “asawa” ng ating pambansang bayani ay sina Isagani Cruz at si Ambeth Ocampo. Kilala ang dulang “Josephine” ni Cruz sa mga mag-aaral ng sining pandulaan dahil isa ito sa mga babasahin sa mga kursong Dula at Palabas at Kontemporanyong Dulaan ng Pilipinas, dalawa sa mga kursong aking hinahawakan sa ilalim ng Kagawaran ng Komunikasyong Pasalita at Sining Panteatro sa Unibersidad ng Pilipinas. Ipinabasa din ang dula noong ako ay nasa kolehiyo. Isa sa mga paboritong subheto ni Ocampo sa kanyang mga sanaysay sa pahayagan at sa kanyang akdang Rizal Without the Overcoat ay si Josephine Bracken. Bagama’t magkaiba ang genre ng pagsulat, kumbinsido sina Cruz at Ocampo na isang hindi mapagkakatiwalaang babae si Bracken. Sinagot ni Quibuyen ang dalawa gamit ang mga tala mula sa liham ni Pepe sa kanyang pamilya, mga liham ng pamilya ni Pepe sa kanya, mga tala ng mga ekskomunikadong rebolusyonaryo sa Hong Kong hinggil kay Bracken. Sa kanyang argumento, binibigyang diin ni Quibuyen na si Bracken ay isa ring rebolusyonaryo at higit sa lahat naging kasapi sa Katipunan. Giit pa niya na tiningalaan ng mga katipunero si Bracken bilang may-bahay ng kanilang maestro (at pinuno) na si Pepe Rizal.

Umandar ang aking imahinasyon sa mga argumento ni Quibuyen. Hindi ko napigilan ang aking sarili at nilapitan ko siya isang hapon. Nabanggit ko ang aking interes kay Bracken. Nagkuwentuhan. Naging madalas ang aming kuwentuhan hinggil kay Bracken, kay Rizal at ang pananakop ng Amerika sa Pilipinas. Sa aming kuwentuhan, nabanggit ko na gusto kong magsulat ng pelikula hinggil sa kanyang mga akda. Napangiti siya at sinabihan akong, dapat ko ngang itong gawin dahil dapat nang makilala ang radikal na Rizal.

Taong 2007, umabot ako sa semi-finals ng Cinemalaya Film Festival. Patungkol sa Balangiga ang isinumiting screenplay. Inspirasyon nito ang isang artikulong personal na ipinabasa sa akin ni Quibuyen. Si Quibuyen sana ang magiging consultant ng aking pelikula. Ngunit hindi ako umabot sa finals. Isang buwan ang lumipas, tinawagan ako ni Chris Manjares, ang direktor sana ng pelikula para sa Cinemalaya 2007. Nabanggit ni Chris na may isang producer na interesado sa screenplay. Nakipagkita kami sa producer. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, biglang lumabas sa aking bibig ang kuwento ni Josephine Bracken sang-ayon sa mga tala ni Quibuyen. Mas naging interesado ang producer kay Josephine Bracken kaysa sa kuwento ng Balangiga.

Bagama’t wala pang napagkasunduan, nagsimula ang aking pananaliksik. Muli akong bumalik sa Pambansang Aklatan at maging sa National Historical Institute ay napapasyal na rin. Nakita ko sa wakas ang mga liham na nabanggit ni Quibuyen. Sinimulan ko ang treatment ng pelikula. Natapos. Ngunit hindi rin natuloy ang pagsasapelikula nito.

Disyembre 2008, kaarawan ni Pepe Rizal, ipinalabas sa telebisyon ang pelikulang “Rizal sa Dapitan,” ni Tikoy Aguiluz. Isang malaswang Josephine ang ginampanan ni Amanda Paige. Ito ang naging susi upang muling balikan ang folder ng aking pananaliksik hinggil kay Bracken. Kinagabihan, sinimulan ko ang pagsulat ng screenplay mula sa nabuong treatment. Subalit, hindi pa man natapos ang unang sequence, biglang nag-flash sa aking isipan si Quibuyen at ang historyador na si Ambeth Ocampo na nag-aaway. Tinawagan ko si Victor, isang kaibigang direktor sa entablado. Naikuwento ko ang naisip na bagong atake sa pelikula: dalawang screenwriter ang kinumisyon ng National Historical Institute na magsulat ng pelikula hinggil sa buhay ni Bracken. Subalit hindi mapausad ang pelikula dahil hindi magkasundo ang dalawa hinggil sa buhay ni Bracken.

Hindi ko makakalimutan ang nasambit ni Victor: “parang mas maganda sa tanghalan ang konsepto kaysa pelikula.” Kumbaga, ang aking pakikipag-usap kay Victor ay nag-udyok upang maisulat ang dula. Natapos ang unang draft noong Enero 2009. Sa tulong ng mga kaibigan sa teatro, ilang beses itong narebisa hanggang sa unang beses na pagbasa (stage-reading) sa Taumbayan sa may T. Gener sa Kamias na pinagbidahan ng aking mga estudyante sa playwriting.

Adhikain ng dula ang ipagkrus ng landas ang nosyon ng awtoridad ng teksto at pagtatanghal (text and performance) at ang ideya ng “embodied text” na ang inspirasyon ay kasaysayan. Sa agham panlipunan at sa humanidades, ang mga historyador ay parating kinikilalang awtoridad hinggil sa istorya ng nakaraan. Ang kanilang estado bilang awtoridad ay galing sa awtentisidad ng historical texts. Sa kontekstong ito, ang awtoridad ng mga historyador ay nagiging lehitimo dahil sa awtoridad ng historical texts (ang arkayb). Subalit, naniniwala ako na ang awtoridad ng mga historyador ay hindi absolut dahil maaari ring manipulahin ang pagiging lehitimo ng mga dokumentong historikal. Isa pa, kahit gaano ka-awtentik ang isang dokumentong historikal, hindi ito magiging buhay hanggang hindi bibigyang-pansin ng mga historyador. Dahil dito, ang isang dokumentong historical ay maaaring tingnan bilang “nagtatanghal” (performing).

Sa dulang ito, tiningnan ko ang 100 liham at koleksiyon ng mga tula ni Jose Rizal. Tiningnan ko rin ang mga popular (at dogmatikong) interpretasyon ng mga dokumentong ito ng mga kilalang historiyador. Binisita ko rin ang ilang biograpiya at tala hinggil sa pambansang bayani: Renato Constantino (Dissent and National Consciousness, 1980), Ambeth Ocampo (Rizal Without the Overcoat, 1999), Austin Coates (Rizal, Nationalist and Filipino Martyr, 1968). Sa kanilang mga tala, si Josephine Bracken ay isang malaputang persona. Isinulat ni Isagani Cruz, isang makata at mandudula, ang dulang “Josephine” noong 1988 kung saan ang pagiging puta ni Bracken ay isinabuhay. Sa kabilang dako naman, iniangat ni Floro Quibuyen si Bracken bilang isang napakahalagang personalidad sa rebolusyon ng 1896. Magmula noong malathala ang A Nation Aborted ni Quibuyen noong 2002, dalawang paninindigan ang naisiwalat. Ito sa aking palagay ang simula ng nasambit na debate sa awtentisidad at interpretasyon.

Sa dulang ito, binuhay at pinakilos ko ang mga tala ng kasaysayan, kasama ng mapanglahat na tindig ng mga historyador na kumatha nito.  Hinayaan ko silang maglaro. Ako ay naniniwala na ang anumang historical text ay maaaring magsakatawang-tao (embodied), kaya nga maaaring maglaro ( playing). Kagaya halimbawa ng pagbasa ng liham, hindi lamang mga salita ang nararanasan ng bumabasa kung hindi mga episode na nakatala sa teksto. Ayon nga kay Roland Barthes, may “jousisance” o kagalakan sa pagbasa ng kahit na anong teksto lalo pa ang mga salita ay mapaglaro (playing).

Ito ay isang dula base sa maraming dokumentong historikal (kagaya ng mga tula ni Rizal, mga liham na isinulat niya para sa kanyang pamilya at mga kaibigan, mga biyograpiya nina Rizal at Bracken). Ang mga pangunahing tauhan ay dalawang mandudula (Writer 1 at Writer 2). Maaari silang usisain bilang “biktima” ng awtoridad at manipulasyon [halimbawa ay manipulasyong ideolohikal (ideological manipulation) at hegemony ng kasaysayan (historical hegemony)]. Kagaya ng patuloy na debate hinggil sa “text versus performance” ng diskurso sa teatro, ang dalawang mandudula ay isinakatawang-tao itong debate hinggil sa kung alin ang awtoridad sa teatro: teksto o pagtatanghal sa pamamagitan ng kanilang komprontasyon sa arkayb at ang komprontasyon ng mapaglarong dokumentong historikal (kasama na ang kasaysayan base sa tradisyong pasalita o oral). Gayunpaman, hindi ito isang bersyon ng kasaysayan. Hindi ako isang awtoridad hinggil dito. Ang adhikain ng dula ay maipakita kung papaano ang kasaysayan ay maaaring basahin bilang nagtatanghal na naratibo o nagtatanghal na paninindigan (ideology).  

UP Repertory Company’s flyer of the staging of the play in 2011

 Upang maipakita ang nabanggit na tensiyon ng teksto at pagtatanghal,at ang pagsasakatawang-tao ng mga dokumentong historikal, ang dalawang mandudula ay ipinagitna sa isang di pagkakasundo habang isinusulat ang dulang kinomisyon ng National Historical Institute hinggil sa buhay ni Josephine Bracken. Dahil ang kinomisyong dula ay base at humugot ng inspirasyon sa kasaysayan, ang mga mandudula ay nanaliksik. Binasa ang mga testimonya hinggil kay Bracken. Karamihan sa mga ito ay iisa ang paninindigan: ang malaputang pamumuhay ni Bracken. Ngunit, naengkuwentro rin nila ang isang “counter-dogma” hinggil kay Bracken. Habang umuusad ang pananalisksik, lumalala ang kanilang hidwaan at hindi pagkakasunduan. Bumuo ng mga tanong na inakalang madaling masagot sa kanilang pananaliksik: minahal nga ba ni Jose Rizal si Josephine Bracken? Pinakasalan? Tinanggap ba siya ng pamilya Mercado? May mahalagang tungkulin ba si Bracken sa rebolusyon ng 1896?

Habang patuloy ang paghahanap sa totoo at awtentikong tauhan ni Miss B, unti-unting nabubuhay ang mga personalidad na ugnay sa buhay ni Josephine Bracken. Habang nakakakuwentuhan nila ang mga personalidad ng kasaysayan, lalong nagiging kumplikado ang kanilang paghahanap sa totoong Miss B. Itong mga personahe ng kasaysayan ay may iba’t ibang paninindigan din na madalas ay magkakasalungat. Papalapit ang deadline. Matatapos ba ang isinusulat na dula bago pa man ang deadline?

Ito ang kuwento ng aking paghahanap kay Miss B. Sa dula, dalawang manunulat ang naghahanap rin kay Miss B. Samahan natin sila sa kanilang nakakaaliw na paglalakbay habang isa-isang nabubuhay ang mga taong kaugnay ni Josephine Bracken. Maligayang paglalakbay.

Cover design study by Daniel Quirijero (DQ)
Another cover design study by DQ
Another cover design study by DQ

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s